Ang sarap magsulat ano? Lahat ng naisin mong isulat ay naisusulat mo, at lahat na ng pwedeng pagsulatan mo ay napagsulatan mo na. Papel, pader, sahig, dahon ng saging, tissue paper - lahat ito ay naging biktima na ng pagnanais mo na mailahad ang nadarama mo.
Mangilan-ngilang beses ka na ring nagkamali sa mga isinulat mo. at sa mga pagkakataong iyon, ako ang nasa tabi mo. Ako ang eraser mo. Tagapaglinis ng mga pagkakamali mo. Lahat ng pagkakamali mo, maliit man o malaki, ako ang naglinis. Andito lang ako sa tabi mo. Kailanman ay di ako nagreklamo, dahil trabaho ko talaga ang linisin ang pagkakamali mo. Sa katunayan, natutuwa ako kapag ginagamit mo na ako. Fulfilling para sa akin ang gamitin mo ako.
Kamakailan lamang ay nakita ko na ang tunay mong ugali. Enjoy ka sa paggamit ng panulat mo upang labanan ang kung sinong tao na minalas na makabangga mo sa landas ng buhay mo. Lahat ng maibubunyag mo, ibinunyag mo na. Ayos lang yun, sabi mo. Freedom of expression yan. May karapatan ang mamamayan na malaman ang lahat ng mga isinulat mo. Eh kaso, hindi na totoo ang ibang isinulat mo. Gumawa ka ng kontrobersya, para lang mapag-usapan ka. Nagkuwento ka na nang nagkuwento, na ang kinalabasan ay parang isang horror story na ang kinahantungan ay ang pagkamatay ng lahat ng mga kalahok sa istorya. Ok lang, sabi mo. Dapat lang siya ibagsak. Tanga siya dahil ikaw ang kinalaban niya. Lahat ay inimbento mo, para lang masira mo silang lahat.
Ang laki ng pinagbago mo. Noo'y masaya ka na kapag mailahad mo ang nadarama mo. Walang halong paninira sa kung sinong ponsyo pilato. Ngayo'y kahit sino ay titirahin mo, kahit na maling mali ang isinusulat mo, para lang maibenta mo ang panulat mo.
Ako ang eraser mo. Kaya kong linisin ang mga pagkakamali mo. Sana lang ay matauhan ka na at burahin na ang mga maling komento mo. Kaya ko lang linisin ang pagkakamali mo - hindi ko kayang gawin ito kung hindi mo nanaising linisin ang mga mali mo. Sana ay maging responsable ka sa mga isusulat mo - hindi ko kayang burahin ang mga paninira mo kung wala ang pagnanais mong burahin ang mga ito. Hindi ako diyos na makakagawa ng milagro. Eraser mo lang ako.
---------------------
A little something I wrote for Penster
Friday, April 27, 2007
Ako ang Eraser Mo
Posted by the body shot boy at 2:24 PM
Labels: artsy-fartsy
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment